REAKSIYON SA LIHIM NG KANTANYAGAN

Monday, May 23, 2005

Reaksiyon sa State of Religiosity of the Philippines

Base sa texto ng State of Religiosity in the Philippines maari kong nais kong tugunan ng pansin ang dahilan kung bakit niya ito sinimulang isulat. Hindi man niya ito natapos, maari ko sigurong subukin na gumawa ng mga kuro base sa kung ano lang ang kanyang nasimulang naisulat.

Malinaw niyang inilahad ang mga pagunahing katangian ng relihiyon sa Pilipinas noong mga panahong iyon, kung kaya’t masasabi kong sa isang banda ay ‘he’s in the process of writing a significant part of Philippine history.’

Sa isang pangungusap na nakasaad sa introduksiyon ng sanaysay kung saaan sinasabi ni Rizal na “The principles of Roman Catholicism, since the arrival of Magellan so to speak, have been shaping the hearts of the majority of Filipinos and it was in the state of Catholicisms influences that the identities of what one could find in the Philippines were known.” Kung kaya’t natatantya ko na ang pangunahing ninanais na gawin ng may-akda ‘is to account for the role of Catholicism in shaping the Filipinos that they were in that period.’ Kaakiba’t nito ay ang maari din itong maging isang pag-puna sa mga bagay na piniling yakapin ng mga Pilipino ukol sa Kristyanismo, kung saan sabay na nangangahulugan kung paano nila pinipili ang bubuo sa kanilang pagkatao.

Maari ko ring masabi na sa pagsulat ni rizal ng sanaysay ay pinagtitibay o sinusri rin niya ang kaniyang mga sariling paniniwala.

Oo nga’t hindi tapos ang sulating State of Religiosity ni Rizal at nangangahulugan ito nang higit na mas mahirap na pagtatantiya sa kung ano ang tinutungo niya, gayun pa man dahil sa ito’y kanyang sinimulan, maari rin tayong magsimula sa kung ano ang meron at tingnan ang mga posibilidad na maaring lumago mula rito. Kung kaya’t sa pagsusuri ng akda ay mas pinili kong bigyan ng atensyon ang gawa mismo kesa sa mga panlabas na datos na may kinalaman rito.

Reaksiyon sa Thoughts of a Filipino

Ang salaysay na ito ay patungkol sa kung ano ang nararapat na panigan ng mga Pilipino sa mga nag-aagawang kapangyarihan na nangingibababaw sa lipunan noong kapanahunan ng pananakop ng mga Espanyol. Ang pangunahing mga kapangyarihan na tinutukoy ay ang praylokrasya at ang mga liberal. Ang paraan ng pagtatanong o pagmumuni-muni ukol sa usapin ay napakatalino. Dahil sa pamamaraang ito, nailalagay ang mga mambabasa sa lugar ng sumulat ng salaysay. Napapaloob dito ang mga option at mga consequence kung sakaling piliin na pumanig sa isa man sa nasabing may hawak ng kapangyarihan. Mahusay ang pagkakasalaysay at magaan basahin, bagay na ikinalulugod namin habang sinusuri ito.

Sa aming pagkakaintindi sa salaysay, mukhang ginagawang katatawanan ni Rizal ang mga prayle. Bagay na hindi na bago sapagkat nagawa niya na ito sa kaniyang dalawang nobela, ang Noli at ang Fili at sa mga hindi natapos na nobela na Friars and the Filipinos at Tagalog Nobility. At gayundin naman sa panig ng pamahalaan. Ang dalawang ito na tila mahirap pagkasunduin dahil sa magkasalubong na mga adhikain.

Simulan natin sa mga prayle. Ano nga naman ang ikabubuti ng pagpanig sa simbahan noong mga panahong iyon?

Ay siyempre bentahe iyon! Napakalakas ng impluwensiya ng mga prayle noong kapanahunang iyon. Nakita natin sa kasaysayan kung papaano nakumbinsi ng mga prayle na ipagbawal ang Noli kahit pa man pumayag na si Gobernador Heneral Terrero na hayaan lamang ito. Ganyan kalakas ang mga prayle. At alam naming nalalaman din ito ni Rizal, paulit ulit na ito sa kanyang nobela. Sa Noli pinayuhan ni Pilosopo Tasyo si Don Crisostomo Ibarra na wag sasalungatin ang mga prayle. Nakita rin natin kung papaano umasta si Padre Damaso sa hapag noong bago maghapunan. Ang kapangyarihan ng prayle laban sa pamahalaan sa Tagalog Nobility. Dahil hawak ng mga prayle ang mga paaralan at ang simpatya ng karamihan ng mga taong bayan, mas madali kung papanig sa kanila kaysa kung sasalungat sa kanilang mga kagustuhan. Mapalad na kung mapapatapon ka lamang. At nakatatawa ang mga sinabi ni Rizal na libre na ang pagkain, libre na ang tirahan, walang problema sa pasaporte at ligtas ka pa dahil may mga guwardiya ka!

Samantala kapansin pansin na habang pinapakita ang mga kabutihang dulot ng pagkampi sa prayle ay sabay namang isinisiwalat ang mga katiwalian ng mga ito. Sa pananaw ng mga prayle, tiyak na priprituhin nila ang may akda ng sanaysay na ito pagkabasa! Napakasarkastiko ng pagpapahayag na parang sinasabi mo sa isang tao na “Ang pangit mo!” habang nakangiti. O di naman kaya, “Nakakainggit ang kayamanan mo!” , “Sana marunong din akong magnakaw!” Bukod pa rito, kinukumpara ni Rizal ang mga prayle sa intsik. Ang parehang lahi na tampulan ng biro noong panahong iyon. Sabi niya na kung ang mga Intsik nga naman ay maaaring magbenta ng mahal, bakit hindi hayaan ang mga prayle na magbenta din ng mahal, na nabanggit na nga ay napaka sarkastiko.

Bukod dito, tila ipinagtatanggol pa niya ang mga kalokohang ginagawa ng mga prayle. Na kung titingnan ay mas ginagawa pa tuloy itong katawatawa. Binaggit niya na wala namang problema kung mag-asawa ng marami ang mga prayle sapagkat kaya naman niya itong suportahan at isa pa magiging bentahe ito sa mga babae niya dahil hindi na magugutom ang babae dahil sinusustentuhan at pinapamanahan pa daw ang mga ito ng mga prayle. Mas mabuti nga naman ito! Siguro mapapaisip ang mga mangmang sa posibilidad na ito. Ang hindi nila alam, mahigpit na ipinagbabawal ito sa sino mang alagad ng simbahan, at sino nga naman ang susuway sa utos ng alagad ng simbahan? Kung naiisip lang ng mga mambabasa, ang katumbas ng salitang ito ay para na ring paghubad sa damit ng isang prayle sa gitna ng isang misa.

Kaya naman, kung nakakalusot sa bayan ang mga ganitong mga kabalbalan, ano pa ang mas lalakas sa impluwensiya ng mga prayle? Sa mga taong walang karangalan, tiyak na hindi na pagiisipan at papanig na ito sa mga prayle. Isa pa, malamang na ang mga mas malapit sa mga prayle ay mas madaling maabsuwelto sa mga kasalanan at mas mabilis na makakarating sa langit!

Ang pagkatuto ng salitang Kastila ay wala ring halaga sa isang banda. Ito ang nilalaman ng sanaysay. Kung tutuusin may punto din naman dito si Rizal. Ano nga naman ang kwenta kung maiintindihan mo man ang mga pagmumurang ipupukol sa iyo ng mga guardia sibil kung hindi ka rin naman makasasagot at makakaganti sa pangbubugbog nila! Kung sakali man na may maglakas-loob na sumagot, siguradong uusigin din naman ito pagkatapos. Ngunit kung sakali man, naniniwala ang grupo na higit sa kapakinabangan ng mga Pilipino kung matuto sila ng Kastila, lalo pa kung ang midyum sa mga paaralan ay ang wikang ito at kung mangyari man na matutong mag Espanyol ang mga Pilipino noong panahong iyon, marahil mabilis na natapos ang paghihirap na dinanas nila sa pamamahala ng Espanya.

Tapos sabi ng mga prayle na sa lahat ng mga dumadaing sa Diyos ang una niyang dinidinig ay ang mga nakapagdadasal sa wikang Latin, kung kaya ang mga misa ay sa Latin ginagawa. Aba! Kawawa naman ang mga Hermana at Hermano na kahit buong buhay silang nagdadasal, eh wala sila sa unahan ng listahan ng Diyos para mapakinggan. Hindi nga kataka-taka kung bakit iniisip ng mga Pilipino noon kung bakit parang napabayaan na sila ng Diyos, marahil dahil hindi sila marunong magsalita sa Latin.

Sa kabilang banda tingnan naman natin ang sinasabi ng sanaysay tungkol sa pagiging liberal. Ayon sa mga prayle, ang pagiging liberal ay katumbas ng pagiging atheist at pasasaan pa at pupunta rin ang mga ito sa impyerno. Nakakatawang isipin ito. Pinapakita lang kung gaano na kadesperado ang mga prayle upang mapigil sa pagkamulat ang mga Pilipino. Pero pano nga naman kung mananalo ang mga liberal? Tiyak na malilintikan ang mga prayle lalo na kung malaman ng mga tao na pinaglalalangan lamang sila. Sa isang dako, mapapaalis ba kaya ang mga prayle kung sakaling sila’y absuweltuhin?

Sa puntong ito, inilahad na ni Rizal ang kaibhan ng mga Kastila sa mga Pilipino. Sinabi niya na dahil ang mga Pilipino ay lubhang matatapang at may dignidad, natitiyak niya na hindi gagawa ng anumang paraan ang mga Indio upang kitlin ang mga buhay ng mga mapagsamantalang prayle. Ngunit sinabi ni Rizal na kapag hindi na nakayanan, kapag sumobra na ang pang aalipusta, siguradong lalaban ang mga Pilipino. Tulad nga ng nangyari kina Ibarra at Basilio, na noong una ay pinapabayaan lamang ang mga pangaalipustang nakita, at ng mawala na ang lahat, saka lamang nag alsa sa mga prayleng walang sandata. Pero ang tanong namin, hanggang saan ang hangganan? Habang hindi pa ba nawawala ang lahat sa mga Pilipino ay magbubulagbulagan ang mga ito? Kailan magkakaroon ng pagkakaisa?

Ani Rizal ang mga Pilipino ay hindi duwag na lumalaban lamang sa mga mahihina at walang sandata. Hindi katulad ng mga Espanyol na duwag at ang mahihina lang ang kayang lipulin. Sa pagbanggit ng ganitong idea, lalo lamang nadagdagan ang pang iinsulto ni Rizal sa mga mananakop.

Sa bahaging ito tila pinamumukha sa mga duwag na malamang na pumanig na sa mga prayle sa simula na wala ring magagawa ang mga ito upang sila’y iligtas sakaling piliin ng mga liberal na bitaying ang mga prayle. Paano kung gawin ng mga Pilipino sa mga prayle ang pang aalipustang ginagawa sa kanila ng mga Espanyol?

Kung ganon, ano ang mabuting gawin?

Sabi ni Rizal wala rin naman talagang katiyakan kung kukunin sa pakikibaka lang ang kalayaan lamang. Bagkus uunlad lamang ito kung sabay sabay na kikilos ang lahat at maliwanag sa bawat isa ang layunin. Kung hindi nga daw nanaisin ng isang bayang umunlad ay hindi talaga ito uunlad kahit ano pa ang gawin mo. Tingnan nalang natin ang kaso ni Simoun. Hindi siya pinagtagumpay ni Rizal sa huli dahil parang ayaw namang magbago ng mga mamamayan, walang hangaring umunlad ang mga ito at marahil ay sa kadahilang hindi naman talaga malinis ang hangarin nito sa simula pa lamang. Pawang paghihiganti lamang ang nasa isip nito kung kaya wala ring malinaw na hinaharap ang bayan sakaling nagtagumpay nga ang huwad na himagsikan. Hindi na kailangang usisain pa sa mga nobela kung totoo nga ang mga ito. Nakita na natin sa ating kasaysayan ang mga kasagutan. Hindi lamang mahihinuha sa kalayaan ang pagunlad ng isang bayan. Higit dito, mas kailangan ang pagpupursige ng bawat miyembro ng pamayanan.

Paano naman ang mangyayari kung sakaling walang piliing kilingan ang isang tao? Maliligtas ba siya sa mga prayle at sa mga liberal? Kung tutuusin, mas nakakaawa nga ito! Ang mga taong walang paninidigan ay para lamang mga hayop! Walang pakialam sa kung ano man ang nangyayari sa kaniyang kapaligiran. Marahil, sa kasalukuyan ay ganito ang mas nakararami sa atin. Pawang walang pakialam sa lipunan at kuntento na na makalagpas sa isang araw ng kumain ng tatlong beses. Nakakaawa!

Kung iisipin hindi rin naman sila maliligtas ng kanilang hindi pakikialam. Sina Ibarra at Basilio, ano bang nangyari sa kanila pagkatapos? Si Ibarra sa Noli ay walang pakialam sa mga nangyayari sa kanyang kapaligiran noon. Ang interes lamang ni Ibarra ay makapagtayo ng paaralan habang si Basilio naman ay makapaggamot (El Fili). Sa simula pawa silang namuhay nang payapa, ngunit pasasaan pa at napasubo na rin sila sa rebolusyon. Pero kung ikaw nga naman, mas pipiliin mo wag makialam at kumain ng tatlong beses sa isang araw kesa makialam at mapahamak pa.

E kung lumaban na lang kaya? Ang totoo wala namang masama sa pakikipaglaban lalo na kung alam ng isang tao na nasa panig siya ng katotohanan lalo pa at ang paglaban na lang ang natitirang paraan. Mas mabuting lumaban ng may karangalan at mapatapon o makulong kaysa mabuhay sa pang-aapi! Kung sakaling mapatapon man, ayos lang lalo sa mga mahilig bumiyahe. At kung makulong, mas mabuti dahil bukod sa libre ang pagkain ay may guwardia ka pa.

Sa pagpapatuloy ng sanaysay, higit pang nililito ang mga Indio kung ano ang mas karapatdapat na piliing landas. Sa wakas sinabi rin sa sanaysay na nang pinakamabuting gawin ay wag kumilos. Hintayin kung sino ang magwawagi tapos saka na lang pumanig sa nanalong partido!
Totoo namang nakakaakit ang alternatibong ito. Matalino rin, kaya lamang ay wala itong karangalan. Ito ang alternatibong nababagay sa mga duwag at walang paninindigan.

Ano ang iyong pipiliin? ang kapatiran, pagkapantay-pantay at hustisya? oh ang mabuhay ng tahimik at masagana? Ngunit maaari bang mabuhay ng tahimik at masagana kung walang hustisya, kapatiran at pagkapantay-pantay?

Kung susumahin ang likha ni Rizal na ito ay masasabing isa lamang itong halimbawa ng pag-iisip ng isang nalilitong Indio sa kaniyang kapanahunan. Hindi gaanong malinaw ang nais ipahiwatig ni Rizal sa sanaysay na ito. Ibig lamang sabihin ay naiiwan sa mga tao ang sarili nilang pasya. Nalahad na ang mga kabulukan ng mga prayle, at nasabi na rin ang mga maaaring kahantungan ng mga desisyon, naiiwan na lang sa mambabasa ang pasya kung anong landas ang kanilang dapat tahakin.

Reaksiyon sa Tagalog Nobility

Kakaiba sa Noli Mi Tangere at El Filibusterismo na ang takbo ng istorya ay kasalukuyan at hinaharap. Nagsisimula ang kwento sa kasaysayan ng Pilipinas. Kung saan isinasalaysay na hindi “pacified” ang karamihan sa mga lugar sa Pilipinas at nililigawan pa lamang nga clerigo ang mga katutubong Pilipino sa pagbibigay ng mga regalo at mga pangako. Kakatayo pa lamang ng mga simbahan at isinasalaysay na ang Espanya non ay pababa na sa posisyon na pinakatanyag na bansa sa Europeo.

Ipinakita ang uri ng damit na ginagamit ng mga katutubong Pilipino pati na rin ng mga sandata. Sultan pa ang tawag sa mga lider na katutubo sa Pilipinas at kalikasan, buwan, at kung ano ano pang pawang paganong paniniwala ang mga sinasambit ng katutubo. Ang namatay, isang Prinsipe, na noon ay namamahala ang kaniyang pamilya sa Pilipinas, ay nahuli at pinangakuan ang mga ito ng isang Don Acuña at Heswita na bibigyan ng proteksiyon, na hindi natupad at naisip ng mga huli na mas magandang gamitin at makontrol ang isang makapangyarihang pamilya sa Pilipinas. Sa mga susunod na pangyayari, kung saan my Heswita, marahil ang pinakmataas na korporasyon na panrelihiyon ng panahong iyon, at isang katutubo ang mag-uusap, mapapansing may salitang pawang muslim ang sinambit ng katutubo. Makikita sa alitan ipinipilit ng Heswita na iisa lamang ang Diyos at Siya ang Diyos ng kanilang relihiyon, sinasabi ng heswita na ang Maykapal na tinatawag ng katutubong magara ang suot ay isang “fake God”. Na hindi sinang-ayunan ng katutubo at sinabing, hind maaari dahil ang Maykapal ang gumawa ng lahat at hindi naghahangad na sirain ang lahat. Sa susunod na pangyayari kung saan kakausapin ng Heswita ang batang Katoliko, makikita na may awtoridad na ang Heswitang ito laban sa Pilipinong Katoliko, at wala ng paggalang sa paniniwala ng iba at sinira ang libingan ng sinasabi Prinsipe Tagulima sa harap ng katutubong taimtim at nalulungkot dahil sa pagkamatay. Matapos mamatay ng katutubong kababanggit lamang, ipapakita sa susunod na Sinabi ng heswita na napaalis niya ang demonyo, ang nakasagutang katutubo na may magagarang suot, sa pamamagitan ng paggawa ng krus sa hangin at namatay ang demonyong katutubong sumugod sa kanya dahil hinawakan ang pari. Na ipnapakita ang mga iniimbentong mga mirakulo ng mga prayle na sa hinaharap ay alam nating gagamitin ang mga ganitong kataga para makontrol at maalipusta ang mga Pilipino.

Sa susunod na kabanata, ipinakita ang buhay ng mga Maharlika sa Pilipinas, na sa aming palagay, ipinapahayag ni Rizal sa mambabasa na may mga Maharlika sa Pilipinas bago pa dumating ang mga mananakop, may sarili silang paraan ng pamamahala sa kanikanilang mga “domain”, napamamahalaan nila ng maayos, may sariling depenisyon ng kung sino ba ang mahirap, ang may-ari ng isang “gold chain”, o sino ang mayaman, may sarili ng social stratification ang kanilang malilit na komunidad, may sariling paniniwala na ukol sa mga multo o mga kaluluwa at mga pag-uugali. Mga Rajah ang tawag sa mga pinakmatataas na posisyon sa mga komukomunidad ng mga katutubong ito. May sarisarili silang desenyo ng kanilang mga bahay bahay, sa aking palagay, ang pagdedescribe ni Rizal sa mga bahay, na madaming napakagagandang bulaklak, mga puno at kung ano ano pang kahalihalina ay para maiparating sa mga mambabasa na magandang maganda na ang Pilipinas bago pa dumating ang mga dayuhan. Muli, pagkatapos isalaysay na pilipat ang mga katutubong ito sa Maalat para mabigyan ng sinasabi ng Espanya na proteksiyon na kailanman ay hindi natupad, makikita ang panloloko at pagmamaliit na ginagawa ng mga Espanyol sa mga katutubo.

Sinasalaysay ng may akda sa kwento na maraming mga katutubo ang nagpapabinyag para lamang makapagpakasal sa mga pamilyang nabinyagan na tulad ng nangyari kay Isabel at Maambun. Ipinapakita din na ayaw ng ilan sa mga katutubo ang mga dayuhan kung kaya’t nag-aalsa ang mga ito at biglaang sumusugod at hindi ipinapakilala ang kanilang mga katauhan upang hindi mahuli at tuligsain tulad ng pinaghihinalaan ng kapwa niyang mga katutubo, na ama ni Maambunin na si Kamandagan. Ipinapakitang may mga sariling paninindigan ang mga katutubo at hindi sila tanga at alam nilang gagawing instrumento ng mga dayuhang ito ang Relihiyon upang pamahalaan sila at alisan ng pagiging malaya. Sinasaad din ang natural na kagandahan ng mga Pilipina sa pamamagitan ng mga katutubong sina Maligaya at Maria Sinagtala na kinagigiliwan ng pari ng Bay at ng encomendero. At ang katapangan ng mga katutubo na pinaslang sa pamamagitan ng walang takot na pagpaslang ni Kamandagan sa dalawang utusan ng encomenderong pilitang isinasama ang mga dalaga para puntahan ito.

Sa dalawang katauhan din ng kambal na sina Maligaya at Maria Sinagtala marahil ipinapakita ni Rizal ang dalawang Relihiyon, ang sa mga Katoliko at ang sa mga katutubo. Ang pagkakasalungat ng dalawang relihiyon. Ngunit si Maria SInagtala na isang katoliko ay hindi naniniwala sa mga sinasabi ng mga pari, naniniwala siya sa paniniwala ng mga katutubo at naniniwala sa sinabi ng kanyang lolo na ginagamit lamang ng mga paring ito ang Katolisismo upang bumaba ang tingin nila sa sarili at upang maging mga alipin silang mga katutubo. At sa kabila, si Maligaya, na sinasabi na kung siya ay isang Katoliko maniniwala siya sa mga paniniwala ng mga ito. Si Maligaya na namamangha sa mga paniniwala na itinuturo sa kanyang kapatid. Ngunit kahit na isinusubo kay Maria Sinagtala ang mga ito ng mga pari, mas malakas ang pagmamahal ni Maria sa kanyang bayan, sa kanilang mga katutubong paniniwala. Sabi ni Maria, mas pipiliin niya pang mamatay ng dalaga o kaya’y makulong sa kumbento sa Sta. Clara, kahit sa para sa mga katutubo ay hindi ito nararapat dahil ang mga babae ay dapat magbunga ng mga anak, kung pakakasal naman siya sa mga lalaking pinababa ang sarili na parang mga alipin, nagtratrabaho sa mga lugar kung saan noon ay mga panginoon ang kanilang mga ama, na nagbibigay galang at respeto sa mga Espanyol samantalang binabastos at inaalipusta ang sarili nilang mga kababayan. Marahil makikita natin ang kaunting paninindigan ni Maria Clara sa Noli Mi Tangere kay Maria SInagtala.

Sa usapan nina Maria Sinagtala, Maligaya at Martin, isinalaysay ni Martin ang kangyarihan ng mga pari laban sa mga alagad ng gobyerno. Isang artilyero, na mapagsamantala at pinatay ang alipin na ayaw siyang pakasalan ay nagtago sa simbahan ng mga Augustinian. At dahil nasa simbahan siya, hindi siya maaaring kunin doon ng mga alagad ng gobyerno. Kaya daw madaming gumagawa ng krimen at hinahanap ang kalinga ng mga simbahan. Ngunit ang gobernador, na sinabi-sabing isang heretic ay hindi ito sinunod, pinaligiran ang simbahan at sapilitang pinasok ang pintuan ng simbahan. At ang mga pari, na sinasabing hindi sila maaring saktan ng mga sundalo dahil sila ay hahatulan ng pag ka excommunicado, ay ginawang pangharang ang mga kaawa-awang sakristan at choir-singers, na pagnasaktan o namatay ay hindi naman mahahatulan ang mga sundalong ito ng kahit na ano, at ang mga pari ay nagtago sa pinakalikuran. Ginangwa pangsangga ang mga kawawa. Kinuha ng mga alagad ng gobyerno ang artilyero, dahil dito tumawag ang mga pari sa Archbishop na napakamakapangyarihan, mas makapangyarihan pa sa gobernador, upang inalik ang artilyero dahil kumbaga pag-aari na ito ng simbahan. At kailangang sundin ito ng gobernador dahil maaari siyang hatulan ng pagka excomminicado ng Archbishop dahil kaya nitong pasikatin ang araw sa gabi o hindi pasikatin ang araw ng tatlong araw. Ganoon kamakapangyarihan ang Archbishop. Dahil alam na natin ang kasaysayan ng Pilipinas at kung ano ang mga ginawa sa atin ng mga prayle, nakakatawa ang kabaliktarang sinabi ni Martin na ang mga hindi sumusunod sa kanilang paniniwala ay masasama at mabubuti naman ang mga sumusunod sa paniniwalang ikinakalat ng mga paring ito. Isipin ninyo, ang isang taong nagnanakaw sa kanyang mga kapwa at pumatay, na sa Katolisismo ay mga mortal na kasalanan ay pinapabayaan ng mga paring ito na maging malaya? Ipinapakita kumbaga, na makatarungan ang pamahalaan ng Espanya ngunit mas makapangyarihan ang mga paring ito kung kaya’t nababale wala ang pagkamakatarungan ng mga nauna.

Nang nag-uusap si Kamandagin at si Martin, makikita ang pagkamakabayan nito, tinanong ng nauna kung mas mabuti ba na nagpa alipin siya sa mga taong umagaw sa kanilang tahanan at hindi rumispeto sa mga labi ng kanyang mga ninuno? Na noon ay ipinaglalaban ng pinakamatapang na mandirigma, ang ninuno ni Martin na si Gad Tandul? Ang naisagot lamang ng binata ay sisihin siya sa pagsusumite sa mga dayuhan. Ipinapakita muli ni Rizal ang kanyang pagiging makabayan sa pamamagitan ni Kamandagin.

Sa kabilang panig naman, ang mga Augustinian ay nag-uusap tungkol sa ginawa ng gobernador sa kanilang simbahan. Nakakatawa ang mga sinasambit ng Vicar-General at kasama niyang provincial priest sa Archbishop para lamang malamangan nila ang mga Heswita at takutin ang gobernador. Kapag daw ipinaglalaban ang sa tingin ay tama isang kasalanan ang tumingin sa middle ground. God who is the truth should defend his rights without considering whether they are worldly or not, sabi ng Vicar-General, una ang karapatan ng Diyos tapos bahala na kung ano ang mangyari sa mundo. Tapos, sinisi ang Archbishop sa kapalaran ng artilyero na hahatulan ng kamatayan dahil ginawa ng pangalawa ang kanyang tungkulin. Makikita kung gaano ka “twisted” ang pag-iisip ng Vicar-General at ng Provincial sa pag-iikot ikot at pagbabalibaliktad nila ng mga rason para lang makamit ang gusto nilang mangyari.

At dito mapuputol ang nobelang ginawa ni Rizal na sa aming palagay kung natuloy ay magiging kasing kulay ng Noli Mi Tangere at El Filibusterismo.

Reaksiyon sa Friars and Filipinos

Talagang napaka-lakas ng loob ni Rizal na sumulat ng isang kwento kung saan ang pangunahing tauhan ay ang Panginoon. At ang nakakatawa pa dito, ay ang Panginoon mismo ay sumasalungat sa ginagawa ng mga prayle sa mga mamamayan ng Pilipinas. At isasalaysay namin sa inyo ang buod ng mga pangyayari sa kwentong ito kasama ng aking mga palagay.

Sa mga unang talata, sa pagkakasabi na napatingin ang Panginoon sa isang mabundok na pook na pinapaligiran ng tubig, at sa mga sumusunod na pangungusap ang mga taong nakatira dito at ang mga itsura at damit ng mga prayle, hindi ka mag-aalangang isiping napatingin ang Panginoon sa maliit na pulo ng Pilipinas. Lalo na sa mga sumusunod pang talata, kung saan sinasalaysay ng Panginoon ang kanyang nakikita na alam nating ginagawa ng mga prayle sa mga Pilipino, sa kasaysayan ng Pilipinas. At ang pinakamalupit sa mga ito, ay sa mga pagkakasalaysay ng nangyayari ay mukhang hindi natutuwa ang Panginoon sa mga ginagawa ng mga prayleng ito, at wala siyang kaalam-alam na ginagawa ito ng mga tao dahil sinabi ng mga prayle na ito ay para sa pagsasamba sa Kanya.

Ang pagpapalitan ng dayalogo ng Panginoon at ng Archangel Gabriel ay nakakatuwa, nakakatuwa sapagkat nagmistulang walang alam ang Panginoon sa mga nangyayari sa mundo. Nagtataka siya kung bakit nasa ilalim ng kapangyarihan ng Espanyol at pinamumunuan ng mga prayleng ito ang buhay ng mga taong naninirahan dito eh nilikha niya ang bawat nilalang na malaya at pantay pantay, at ilang ulit niya ding idiniin ito. Nakakatuwa dahil sa pagsabi ni Archangel Gabriel sa halos bawat sagot sa mga tanong ng Panginoon ang salitang “pagpapabaya”. Ang pagwawalang bahala, pansin ng Panginoon sa mga nangyayari sa Pilipinas kaya naging ganoon ang kalagayan nito na hindi derektang sinasabi ni Archangel Gabriel ngunit sa aking palagay ay nasa konstekto ng kanyang mga sinasabi. Hindi lamang iyon, pati ang pagbibigay ng pangalan sa mga kalye sa Pilipinas ng mga tao, tulad ni Alxenader VI, na sa palagay ni Archangel Gabriel ay masasama at hindi niya na iksplika sa panginoon ang dahilan kung bakit ipinapangalan sa mga ito o kumbaga pinaparangalan pa ang mga masasamang tao na ito. Ipinakita din ni Rizal sa pagpapalitan ng dayalogo ng Panginoon at ni Archangel Gabriel ang kanyang pagiging makabayan, kung saan binanggit si Magellan na isang Portugese na pumanig sa mga Espanyol dahil hindi tinaasan ng kanyang hari ang kanyang sweldo, at ang reaksiyon ng Panginoon ay isang pagtataka at tinawag na isang pagtataksil sa sariling bayan ang ginawa ni Magellan, at pagkamuhi ng malaman na pinarangalan pa ito sa pagpapatayo ng monumento nito at pagbibigay ng pangalan sa mga kalye sa kanya. At ng tanunging ng Panginoon kung ano ang tingin ng mga tao na nakikita ang Kanyang pangalan kasama ng mga ganitong pangyayari, ang sagot ni Archangel Gabriel “Ano pa nga ba? Walang Panginoon at kung tunay mang mayroon ay pinabayaan Niya na kami!”, na madalas nga naman nating naririnig sa mga labi ng mga labis na naaapi.

Ipinakita ni Rizal na ang Panginoon ay Amang nasasaktan kapag inaapi ang kanyang mga anak at kapag nawawala ang paniniwala ng kanyang mga anak sa kanya. Tinanong niya sa Gabriel kung ano ba sa tingin niya ang dapat nilang gawin para matapos na ang paghihirap ng kanyang mga anak na Pilipino. At ang sabi nga nakakatawang Gabriel, isang “gesture” kung saan gigil na gigil niyang parang dinudurog ang isang bagay. At ang Amang mapagmahal, na ibinigay ang kalayaan ng mga tao, ang mapagpatawad at mapagmahal na Panginoon, timan nila ang kaniyang paghihiganti, ang mga kamuhimuhing mga prayle na iyan, na may nakakatwang pangalan, hindi Niya maalalang lumikha Siya ng mga ganoong nilalang.

Kinausap ng Panginoon si Saint Andrew, na nabanggit ng Archangel Gabriel bago iwanan ang Panginoon na taunang ipinagdiriwang ng mga taga Maynila ang kanyang kapistahan, ang kanilang patron saint. At mas nakakatawa nga ang pag-uusap ng Panginoon at ng Andrew. Sinabi ni Saint Andrew na wala siyang kinalaman sa anumang mga pangyayari sa Pilipinas, isa siyang matahimik na tao at inihahamak ng mga taong ito. Sinabi niya na dahil sa tagumpay ng pag-aaway ng mga Tsino at Espanyol, at ng manalo ang huli ay sinabing sa tulong ng Santo dahil araw ng kanyang kapistahan, na sa totoo naman ay hindi, ay isasaalang-alang ang taunang pagdiriwang at gagawin siyang patron ng Maynila. Ipinakita sa pagpapalitan ng mga dayalogong ito na napaka-patient ng Panginoon na hinikayat at hinintay niyang magpaliwanag ang matanda. Isa pa, parang ipinapakita sa mga sinabi ng Santong si Andrew na nag-iimbento lang at walang alam ang mga Kastila na ginagambala pa siya, na kung mabasa ng mga prayle, gaya nga ng nangyari sa Noli Mi Tangere at El Filibusterismo, na ipinalabas niya na mga tanga at mapang alipusta ang mga Espanyol ay ikinagalit ng mga ito.

Nang tanungin ng Panginoon kung ano ang relihiyon sa Pilipinas at may sumagot na Katolisimo, nagalit si Hesus at sinabing hindi ang relihiyon na kanyang ginawa ang ginagawa ng mga taong iyon. Lumabas si Confucius na isa sa mga pinapaniwalaan ng mga Tsino, ay sinabing hindi nga ang doctrina ng relihiyon ni Hesus ang ginagamit ngunit ang pangalan niya at ang pangalan ng kaniyang relihiyon ang nilalapastangan ng mga ito. Nakatutuwa ang paglabas ni Confucius na galing sa ibang relihiyon, sa aking palagay, ipinapakita ang kasabihan na iba’t-iba man ang pangalan na sinasamba ng mga tao sa mundo, sa huli, iisa lamang Siya. Ang nakapagtataka ay ang para bang naiinis si Hesus kay Confucius, na hindi ko masabi kung bakit ganito ang pagkakalahad ni Rizal, kung ang pagkakakilala natin kay Hesus ay mapagmahal sa kahit ano mang uri ng tao o paniniwala. Kung hindi lamang daw sa Kanyang Ina, ang Inang Maria, matagal na niyang pinarusahan ang mga ito. At sinabi nga ng Inang Maria na ginagamit at inaalipusta nga din ang kanyang pangalan para sa mga pansariling pakinabang ng mga prayleng ito at para mang-alipusta ng mga dalaga o mga bata-bata pang may asawang mga babae.

Makikita sa dayalogo ng mga Santong sina Saint Dominic, Saint Francis, Saint Ignatius, at Saint Peter ang hindi pagkakasundo ng mga ito tulad ng prayleng kumakatawan sa kanila sa mundo, at ang pagmamataas sa isa kung ikukumpara sa isa at ang pagpapasa-pasa ng mga trabaho at kasalanan. At ng sabihin ni Saint Peter na gawin nila ang kanikanilang mga trabaho oh kung ayaw nila ay ipagawa nila sa mga dapat gumawa nito ay lumabas ang mga katagang madalas din nating marinig na sinasambit ni RIzal sa kanyang mga sanaysay, tula, dula at nodela, na hindi tinutulungan ng Panginoon ang mga taong hindi tinutulungan ang kanilang mga sarili, at ang walang maaapi kung walang magpapa-api. Maipapakita din sa mga dayalogo na si Saint Dominic ang pinaka-ayaw ni Rizal kung susuriin ang teksto ng dayalago.

Nang magpatawag ang Panginoon ng mga Pilipino upang tanungin kung sino nga ba ang makapagbibigay paliwanag sa tunay na kalagayan ng Pilipinas, nakakatawa ang mga karakter ng mga Pilipinong naka-usap. AT ang reaksiyon ng mga Santo, Santa, birhen, mga archangels, cherubims at seraphims ay pinagtatawanan ang mga Pilipinong ito. Ang una, ang Philippinologist na si Don Policarpio ay wala ng sinabi kundi ang pagpupuri lamang sa kanyang sarili, samantala, ang sumingit na maginoong lalake ay ipagmalaki ang sarili na isa sa mga sikat na nilalang sa Pilipinas, ang abugadong humagulgol lamang, ang makapangyarihang lalake na wala nang binanggit kundi ang mga prayle na para bang sinasamba ang mga ito, at ang prayle na ikinuwento ang kanyang pangungurakot at pang aalipusta ng masaya at sinasabi na dahil doon masaya ang Pilipinas at dahil sa kanyang mga nakurakot, nabili at napamana ay masayang masaya ang mga Pilipino. Kung mapapansin, hindi binigyang kahulugan ng Panginoon sa kwentong ginawa ni Rizal si Doña Antonia na inubos ang kayamanan sa pagbibili ng mga ipinagbibili ng mga prayle at wala ng ginawa kundi magdasal ng magdasal at ang pinuno ng barangay na nakulong dahil sa mga utang, kung sana ito ang mga tinanong ng Panginoon malamang-lamang na naliwanagan Siya sa mga pinaggagawa ng mga prayle sa mga Pilipino.

Dahil nakuhanan ng Panginoon ang mga Pilipinong ito ng impormasyon, pinababa niya si Hesus upang pag-aralan ang Pilipinas kasama si Saint Peter bilang pagparusa sa pagpapapasok sa langit ng mga kaluluwang hindi naman nararapat na naroon. Nang sabihin ni Saint Peter kay Hesus nang naglalakbay sila papuntang Pilipinas na maaring mas nakakatakot ang panahong dadatnan nila kesa sa panahon kung saan sila nabuhay dahil maaaring mas malupit pa ito sa mga Hudyo na ipinako siya sa krus, na hindi dinamay ang kanyang pamilya, pero sa Pilipinas daw, at hindi na naituloy ni Saint Peter ito sa takot. Marahil nga, nung panahon na sinakop tayo ng mga Espanyol at ang mga prayle ang tunay na namumuno ay totoo ito.

Nakakaantig ng puso ang sinabi ni Hesus sa mga susunod na talata, na pawang nasayang ang kanyang mga sakripisyo sa gayong nangyayari na mas masama pa ang tao sa mga iniligtas niya. Para saan pa na magpakamartir ka, kung sa kakaunting bunga ay mas madami pa ang mga tinik. Tunay nga, na gaya ng mga nodela ni Rizal, isa itong instrumento para ipakita ang kanyang mga paniniwala at mga iniisip.

Nagkatwang Indio si Hesus at si Saint Peter, isang Tsino. Tumigil sila sa Victoria, isang port sa Tsina na pinamamahalaan ng mga Amerikano, sa paguudyok ni Saint Peter sa takot na maagang makarating sa Pilipinas. Nakita nila dito ang malalaking bahay ng mga Dominicano, na nakukuha nila sa mga Pilipinong naghihirap at mga kubo’t tagpi tagpi ang mga bahay ang perang pampagawa, muli ipinapakita ni Rizal ang pangungurakot ng sobra sobra ng mga Dominicano. Isinalaysay dito ni Rizal na malinis ang pook, pawang ligtas ang mga kalye, at may hustisya. Ipinapakita ang giliw ni Rizal sa ibang mga bansa, sa kanyang talambuhay, makikita natin na si Rizal ay mabilis malibang sa mga magagandang lugar sa ibang bansa at ang maayos at magandang pamamalakad ng gobyerno dito kumpara sa Pilipinas, at kinagigiliwan nga niya ito. Marahil ay nabibilib siya sa ugali ng mga Amerikano sa pagsambit ng “our prestige is not in our faces but in our moral integrity”. Lumapit sila sa Domicano upang humingi ng tulong ngunit tinutulan sila, nadiskubre nila na hindi makatarungan at napakalupit ng Dominicanong ito. At ng may chismis na kumalat na si Kristo marahil ay anak ng rajah na nagreresearch tungkol sa Pilipinas saka lamang sila nilapitan ng mga religious corporation na kanilang tinanggihan.

Bilang isang Indio, naranasan ni Kristo ang diskriminasyon ng sasakay sila ng barko na papunta sa “sariling bansa”. Kinailangan pa niya ng pasaporte kahit na alam na Indio siya. Si Saint Peter naman, dahil siya ay Tsino, mas malaki ang binayaran sa pagkuha ng pasaporte. Sa Pilipinas, pinatripan si Saint Peter dahil isa siyang Tsino, at dahil ipinagtanggol ni Kristo, naranasan nila ang pagkawalang hustisya sa pamamagitan ng paghuli sa kanila ng walang kabuluhang mga dahilan. Naputol ang kwento na tinatakasan muli ni Peter si Hesus matapos nitong subukang ipagtanggol siya at dahil narinig niyang tinatawag Siyang filibustero.

Sa kabuuan ng mensahe, matapos naming mapag-usapan ang pangyayari sa kwentong ito, naipagpalagay namin na lumalabas ang ilan sa mga maaaring ideya ni RIzal na para sa amin ay bago. Halimbawa, kahit man magkakaiba tayo ng relihiyon ay iba-iba ang pangalan ng Diyos na ating sinasamba, sa huli, iisa lamang ang Panginoon na ating sinasamba. At siyempre ang paulit-ulit na nating nakikita sa kanyang mga ibang sikat na akda, ang paglikha ng panginoon na pantay-pantay ang tao at malaya at walang sinuman ang maaaring mag anking sa mga ito, na ang tinutulungan lamang ng DIyos ay ang tumutulong sa sarili niya, ang pang-aalipustang ginagawa ng mga prayle, ang panlolok, ang paggamit ng mga Santo, Santa, ng pangalan ng Diyos, ni Hesus at ng Inang Maria para pasunurin at alipustahin ang mga Pilipino, ang pagpapaloko sa mga ito, ang pagiging makabayan, na walang ma-aapi kung walang magpapa-api, kanyang kamuhian sa mga Dominicano at Pransiskano kung ikukumpara sa mga Heswita, ang diskriminasyon mapa-Indio man o Tsino, kung ano mang lahi, ang mga baho ng lipunan na pinamumunuan ng mga prayleng mapang-alipusta.

Tungkol sa kabuuan ng kwento mismo, nahati ang aming grupo, marami sa amin, kabilang na ang aking sarili, ang kinukonsider ang kwentong ito na komedya, komedya dahil nakakatawa ang ibang katauhan ng mga karakter sa kwento. Halimbawa ang Panginoon na hindi namin naisip na magtatanong ng napakaraming tanong, si Hesus na kinaiinisan si Confucius, si Confucius na makikipag-usap sa Panginoon, ang mga Santo na nag-aaway-away, si Hesus na iiwan sana si Saint Peter dahil iniwan siya noon nung huhulihin siya.

At ukol sa reaksiyon ng grupong gumawa ng website na Sa Lihim ng Katanyagan, oo nga, na ang Diyos nga ay hindi maaaring makalimot sa kanyang mga nilikha. At kaiba ang asal ng Panginoon, ni Hesus, ng mga Santo na para bang tao sila ngunit hindi ibig sabihin na dahil ganito na ang pagkasulat ni RIzal ay maaaring ganito na ang kanyang paniniwala, tandaan natin na hanggang sa kamatayan lumalabas na si Rizal ay isang Katolikong malakas ang paniniwala at pananalig sa Diyos. Sa aming palagay ni minsan hindi nagdalawang isip si Rizal sa kanyang paniniwala. At tandaan natin na isinusulat ito ni Rizal para maipakita ang kalagayan ng mga Pilipino sa ilalim ng pamamahala ng mga Espanyol, sa pamamahala ng mga kura, kung hindi niya ipapakita na kunwari ay pansamantalang naging pabaya ang Diyos, paano magiging ganito ang takbo ng kwento? Paano maiiksplika ang mga karahasang ginagawa ng mga prayle, at ang katawa-tawa nga ay ginawa ni Rizal na tunay na sinungaling ang mga prayle, na lahat ng entity or celestial beings ay sumasalungat sa lahat ng kanilang ginagawa. Maganda nga at nilagyan ni Rizal ng humor ang kanyang kwento, sayang at hindi niya natapos ang kwentong ito, hindi man ito kasing ganda ng pagsasalaysay ng Noli at Fili pero nakatutuwa, hindi ganoon kabigat ang mga salita ngunit tunay na makabuluhan at malinaw ang mga mensahe sa mga metaporikal na paraan ng kanyang pagkakagawa ng kwento. Hindi naman masama na ginawang ganito ni Rizal ang Panginoon sa kanyang kwento sapagkat mayroon siyang ipinaparating na mensahe at ipinapakita sa pagsasalaysay ng kwento. At para sa amin, malinaw at magiliw niyang ipinarating ito.